Ma Ling at iba pang produkto galing China tinanggal na

Inalis na ng ilang mga supermarket sa Muntinlupa ang mga Ma-Ling at iba pang processed pork product mula sa China, siyam na buwan matapos ipagbawal ng Department of Agriculture ang pag-aangkat nito.

Sa paglilibot ng Abante kahapon, wala na ang mga de-latang pork product mula China sa South Supermarket sa Filinvest Alabang pati na sa Makati Supermarket sa Alabang Town Center.

Matagal nang inirereklamo ng sektor ng agrikultura ang pagpupuslit ng mga de-latang baboy mula China at mga bansang may African Swine Fever ngunit ngayon lang ito naaksyunan.

Mungkahi pa ng Samahang Industriya para sa Agrikultura nu’ng Enero, dapat kinumpiska na ng pamahalaan ang mga napuslit na Ma-Ling at iba pang de latang baboy dahil ilalagay nito sa panganib ang lokal na industriya ng baboy.