Dear Attorney Claire:
Tanong ko lang po. May na-issue kasi akong PDC checks for salary loan worth P260,000.00 po. Ngayon nakikiusap ako sa kanila na kung pwede January me mag-start na magbayad kasi po nagkasakit ako ng pneumonia at walang sahod. 3 months na po ako delayed at balak ko ngayong 2020 po ay makapagbayad ako sa January po tapos dire-diretso na po payment ko. Sabi po nila sasampahan na nila ako ng kaso. Palagay niyo po possible po ‘yun na i-arrest agad ako o paano po kaya kasi willing naman ako magbayad paunti-unti start po lang talaga ng January? Tulungan niyo po ako ‘di ko na alam gagawin ko.
Salamat po,
Myla
Ms. Myla:
Kapag kasi tumalbog ang tseke na na-issue (postdated check- PDC) ay maaari kang masampahan ng kasong violation against BP 22 o ang tinatawag natin Bouncing Checks Law. Ang kasong ito ay hindi kinikilala ang good faith o anumang dahilan ng hindi paglalagay ng pondo sa account kung saan dapat na ma-withdraw ang halaga na nakalagay sa check. Kahit nagkasakit ka o nagkagastos ka dahil may emergency na sitwasyon ay hindi iyob magiging depensa. Basta tumalbog ang tseke ay maaari kang papanagutin sa kasong BP 22.
Ang magandang gawin ay makiusap ka sa napag-utangan mo at mangako ng kakayanan mong magbayad. Ipakita mo ang kakayanan mo ng tuparin ang iyong obligasyon. Ngunit kung balak talaga niyang magsampa ng kaso at wala kang magagawa para pagilin iyon.
Kung naisampa naman niya sa Prosecutor’s Office ang kaso na ito laban sa iyo ay maaari ka pa rin na makipag-negotiate upang mabayaran mo na lang ang utang mo dahil sa kasong BP 22 ay wala kang depensa maliban lamang kung mapapatunayan mo na bayad na ang mga ito at hindi lamang noya sinauli ang mga na good o nabayarang tseke. Kung pineke ang pirma mo o kaya naman ay hindi mo natanggap ng personal ang demand letter niya at hindi mo alam na tumalbog ang tseke at hindi ka nabigyan ng pagkakataon na pondohan ang account mo para ma-‘good’ ang tseke mo.
Ngunit sa sitwasyon mo ay alam mo na tumalbog ito at may delay ka sa pagbabayad kaya may maikakaso talaga siya sa iyo. Kaya’t agapan mo nang magbayad o makiusap.
***
Kung may katanungan pa ay tumawaga lamang sa 8 922 0245 o 8 5142143 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com