Maagang pamumulitika

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Sadyang hindi nawawala ang pagiging oportunista ng ilang tao, aba’y ginamit ng ilang tao ang bagyong Nina para lang mamulitika, ma­mersonal at manira.

Tulad ng maraming Pilipino, binibigyan natin ng panahon ang ating pamilya, lalo na ngayong Kapaskuhan. Nakakalungkot pero ang kalamidad tulad ng bagyo ay walang pinipiling panahon at maaaring mangyari anumang oras.

Kapag nagsabay ang dalawang bagay na ito, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang makapaghatid ng tulong habang ginagampa­nan ang responsibilidad sa pamilya at mahal sa ­buhay.

Kaya naman, dapat mayroong mga nakalatag na sistema upang makakilos ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga komunidad kahit sino pa ang namumuno rito.

Noong nasa HUDCC pa si VP Leni Robredo, sinimulan ang Post Disaster Shelter Response Framework, ito’y nailatag nakaraang Agosto upang alam ng lahat kung ano ang gagawin, alinsunod sa aral ng relief at recovery operations.

Matatapos na ang naturang framework at umaasa tayong makokontra nito ang mga malis­yosong pag-iisip mula sa mga taong walang ­ginawa kundi manisi at magturo.

Hindi rin yata alam ng mga taong ito na tuloy ang pakikipag-ugnayan ni Robredo sa mga tauhan nito sa Maynila sa kanilang binuong Tindog Bicol para sa mga biktima ng Nina.

At direkta ring kinakausap ni Robredo ang mga lokal na opisyal sa Bicol upang malaman ang kanilang pangangailangan at maihatid ito sa lalong madaling panahon.

Hindi lang ‘yan, wala ring patid ang komunikasyon ni Robredo sa mga pribadong grupo at mga volunteer para sa dagdag pang ayuda, malinaw sa mga naglabasang news report at litrato kung saan naging repacking center ang kaniyang bahay.

Pero pinili pa ng mga tao na maging bulag sa katotohanan at siraan pa si Robredo keysa sumali na lang sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Nina. Masyadong maaga para mamulitika lalo pa’t biktima ng kalamidad ang kinakasangkapan.

Kaya’t ang tanong ng mga kurimaw: alin ang mas malala – ang hangin ng bagyo o ang ha­ngin sa ulo ng mga taong walang magawang matino sa buhay?

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow @dspyrey)