Maagang pangangampanya itigil—Comelec

Hinamon kahapon ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato na pahintuin ang kanilang mga tagasuporta sa premature campaign para sa eleksyon na idaraos sa Mayo.

Sa kanyang Twitter post, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na hindi kaila­ngan ang maagang pangangampanya kung may tiwala naman ang mga botante sa sinusuportahan nilang kandidato.

“Kung talagang malakas ka, i bet isang sabi mo lang sa mga supporters mo, titigil na sila ng #prematurecampaigning para sa’yo. Kaya ba? #VoterEd #NLE2019,” ayon sa post ni Jimenez.

Kabilang dito ang pagsabit ng mga tarpaulin ng mga kandidato na sobra ang laki at pamimigay ng mga campaign material at souvenir item tulad ng t-shirt, key chain, ballpen, pamaypay at iba pa.

Opisyal aniyang magsisimula ang election period sa Enero 13 hanggang Hunyo 12, 2019.

Mag-uumpisa ang campaign period para sa mga kandidato sa national level sa Peb­rero 12 hanggang Mayo 11, 2019 at Marso 29 hanggang Mayo 11, 2019 naman para sa mga kandidato sa lokal na posisyon. (Mia Billones)