Kamakalawa ay namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang isang bagyo na papalapit at tila tinutumbok ng direksyon ang Pilipinas.

Kung hindi raw magbabago ng direksyon at bilis ay posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility o PAR ang bagyong ‘Wutip’ (international codename).

May kalakasan ito sa puwersang 185 kph at bugsong 225kph.

Bago ito! Dati halos katapusan na ng Marso nagsisinulang maramdaman ang paisa-isang pasok ng bagyo hanggang sa tuluyang magsimula na ang tag-ulan kasunod ng maiksing summer hanggang Marso.

Bagama’t pinakamatindi pa rin ang init sa mga buwan ng Abril at Mayo, pumapasok na rin ang mga bago at monsoon rains sa panahong ito.

Pero ngayon, nakakapagtaka na Pebrero pa lang ay pa-bagyo na.

Kung ganito na ang kondisyon ng kalangitan, kailangan ding mag-adjust ang tao sa paghahanda sa ulan.

Ngayon pa lang ay tibayan na ang mga bubong at tapalan na ang mga butas. Importante ring malinis ang mga alulod.

Sa mga komunidad, huwag nang iasa sa gobyerno lahat. Kung kayang pagtulungang linisin ang mga imburnal at kanal, ikusa na ito.

Putulan na rin ng malagong sanga ang malalaking puno para hindi makadisgrasya ng kawad ng kuryente.

At pinakamahalaga sa lahat: Maglinis ng bahay at paligid.

Maagang paghandaan ang tag-ulan habang pinapraktis pa rin ang dobleng pag-iingat sa papasok na fire prevention month, ang buwan ng Marso.