Sapat na tulog ang solusyon.
Ito ang naging susi ni Catherine Almazan nang bigyan ang EAC Lady Generals ng unang panalo sa NCAA Season 95th womens indoor volleyball tournament matapos makaalpas sa San Sebastian Lady Stags, 21-25, 25-23, 22-25, 25-18, 15-8, Huwebes ng hapon sa FilOil Flying V Centre, San Juan.
“Kagabi po, nagpahinga kami nang maaga. Pinursige po talaga naming manalo,” namutawi kay Catherine na nagpasiklab ng 26 attack, 2 block, at 2 service ace para kolektahin ang season-best 30 total point kasama pa ang 4 excellent reception.
“Hindi po kami pumayag na matapos yung season na kahit isa o dalawa, may panalo rin po kami. Saka si coach, ayaw niya rin ng pampitong talo. Inisip namin na kaya namin, makakatalo rin kami,” dagdag niya.
Si libero Sofia Dote ang nagmaniobra sa sa floor defense sa pagposte ng 15 excellent dig habang nagparamdam rin sina Krizzia Reyes at Dhariane Gallardez na may 15 at 14 marker para dalhin ang Aguinaldo sa 1-6 kartada.
Nasayang ang 19 point ni Jamille Carreon mula sa likod ng 14 attack, 4 service ace at 1 block pati ang defensive play ni SSC-R captain Jewelle Bermillo na 19 dig at 10 excellent reception sa pagbagsak nila kakartada ang Aguinaldo. (Aivan Episcope)