Kung ngayon ay pu­malo na sa 3.3 percent ang inflation rate tiyak na lolobo pa ito kapag hindi inatras ni Pangulong ­Rodrigo Duterte ang kanyang tax reform package na dinidinig ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang babala ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro kaya nagmamakaawa ito kay Duterte na bawiin at ­huwag nang ituloy ang nasabing panukala dahil pangunahing layon nito ay patawan ng buwis ang mga produktong petrolyo na libre sa excise tax tulad ng diesel at liquified ­petroleum gas (LPG).

Maliban dito, itataas din ang excise tax ng iba pang uri ng produktong petrolyo tulad ng unleaded ng hanggang P10 mula sa kasalukuyang P6.35 kada litro kaya malaking epekto umano ito sa bilihin kapag nagkataon.

“President Duterte should reconsider the proposed new excise taxes on fuel and expansion of the value-added tax coverage which are currently being discussed in the Lower­ House as these would worsen the skyrocketing prices of basic commo­dities,” ani Castro.

Isa sa mga dahilan kung bakit tumaas ang inflation rate sa buwan ng Marso mula sa 3.3% noong Pebrero at 2.7% noong Enero ay dahil sa pagtaas ng singil ng kur­yente, tubig at langis.

Mahigit doble ang itinaas ng inflation rate ngayong Marso 2017 kumpara sa 1.1% lamang noong Marso 2016.

Pero asahan umano na mas lolobo pa ang presyo ng mga bilihin sa sanda­ling maipasa at naging batas na ang tax reform package ng Duterte administration dahil lahat ng sektor kasama na ang transport sector at planta­ ng mga kuryente ay gumagamit ng diesel.

Dahil dito, sinabi ng mambabatas na lalong maghihirap ang mga Filipino lalo na ang mga ordinaryong manggagawa­ lalo na’t walang plano ang gobyerno ang itaas ang kanilang sahod.

2 Responses