Hindi naiwasan ng pamahalaan na ipatupad sa mga kompanya sa bansa ang “work from home’ dahil sa panganib sa buong sambayanan nang nakamamatay na novel coronavirus o COVID-19.
Dahil sa biglaang paglipat mula sa kanilang mga opisina tungo sa pagtatrabaho sa kanilang mga bahay ay hindi na naiwasan ang biglaang paggamit ng regular na internet sa mga sambahayan na naging sanhi ng pagbagal at mas matagal na paggamit sa bagong teknolohiya ng world wide web.
Kumpara sa mas matataas na bandwith na gamit sa mas mabibilis na operasyon sa kanilang mga opisina, mas mahina ang mga ginagamit sa kabahayan na madalas ay para lamang sa personal o sa pampamilya ang gamit.
Kaya naman sa biglaang pagpapatupad ng “work from home”, nalantad ang kahinaan sa teknolohiya ng bansa, na sadyang kalumaan at makupad ang takbo ng internet matapos na bumagal at hindi makayanan ang paggamit ng mga tao na nagtatrabaho sa kanilang mga bahay.
Aminado ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi handa ang bansa sa biglaang pagbuhos ng mga tao sa pagtatrabaho sa kanilang mga bahay habang gamit ang kanilang personal na mga wi-fi o internet line na isa sa dahilan sa pagbagal ng takbo ng teknolohiya.
Hindi rin naiwasan na maging dahilan ang panonood ng mga movie, livestreaming at pag-download na inaasahan na gagawin ng bawat pamilya sa panahon ng pagbabawal na lumabas sa bahay sa kabagalan ng internet sa bansa.
Ang ganitong situwasyon ay nagpapakita lamang na habang mabilis ang pag-unlad ng ibang bansa gamit ang internet, kabaliktaran ito sa atin na nahihirapang magamit ang dapat na mabilis at makabagong wi-fi para sa pagtatrabaho at sa posibilidad na maging mas produktibo sa kanilang bahay sa panahon ng krisis o kalamidad.
Samantala, may 12 video games ang kinilala bilang finalists sa World Video Game Hall of Fame sa Rochester, New York.
Ang Hall of Fame ay tumanggap ng libong nominasyon sa mahigit na 100 bansa para sa konsiderasyon para na maging parte sa Class of 2020.
Ang finalists ay ang “Bejeweled,” “Centipede,” “Frogger,” “GoldenEye 007,” “Guitar Hero,” “King’s Quest,” “Minecraft,” “NBA Jam,” “Nokia Snake,” “Super Smash Brothers Melee,” “Uncharted 2: Among Thieves” at ang “Where in the World Is Carmen Sandiego?”
Ihahayag ang magwawagi sa hall na nasa The Strong museum sa Rochester. Hindi pa naman inihayag ang petsa ng announcement.
***
Ingat po tayong lahat at manatili na lang sana tayo sa ating mga tahanan, at sundin ang isinagawang pagsugpo sa coronavirus ng ating gobyerno.