Mabagal na tulong

Aileen-Taliping-For-The-Record-TONITE

Mahigit isang linggo na ang nakalipas simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine at unti-unti ng nakakaramdam ng gutom ang maraming mamamayan dahil sa ipinatupad na paghihigpit sa mga komunidad.

Marami sa mga mamamayan ang hindi nakapaghanda at walang pera dahil sa biglang pagtigil ng trabaho kaya umaasa sa ipinangakong tulong mula sa barangay.

Kung mayroon mang pambili, problema naman ang pagpunta sa supermarket o mga palengke dahil walang masakyan at malas na lang kung medyo malayo ang distansiya sa tinitirhan.

Bagamat may ilang mga alkalde na ang kumikilos para mag-abot ng tulong sa kanilang mga constituent, mayroon namang mabagal ang kilos ng iba kaya hirap na hirap ngayon ang mga ordinaryong mamamayan, lalo na `yong mga informal worker o kumikita lamang ng sakto sa isang araw.

Sari-saring isyu rin ang lumutang sa nakalipas na ilang araw, gaya na lamang ng ulat na ilang opisyal ng barangay ang namimili lamang ng binibigyan ng food pack, o kaya naman ay hinihingan pa ng voter’s ID ang mga residenteng dapat makatanggap ng tulong.

Dahil dito, nagbanta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na makakatikim ang mga opisyal ng barangay na namumulitika sa panahon ng krisis.

Ayon kay Secretary Eduardo Año, hindi ito ang panahon ng politika kaya dapat tutukan ang pag-alalay sa mga nangangailangan ng tulong.

Nakahanda na ang P200 billion ng gobyerno para sa pagkain at tulong pinansiyal para sa may 18 milyong Pilipinong prayoridad na bibigyan ng tulong kaya konting tiis pa mga kababayan.

Sana lamang, pantay-pantay ang gagawing pagtulong ng mga barangay sa mga tao dahil lahat naman ay apektado sa ipinatupad na enhanced community quarantine.

Huwag po tayong mamili dahil malinaw ang sinabi ng DILG na lahat ay bibigyan pati na ang mga nangungupahan sa isang barangay.

Isang chairman mula sa Marikina City ang isinumbong na sa DILG dahil nilagpas-lagpasan lamang ang mga nangungupahan, dahil hindi umano kasali sa mga bibigyan ng tulong, batay sa naging pahayag umano ni Presidente Rodrigo Duterte. Baka naman nabingi si Chairman dahil ang sabi ng Pangulo ay tiyaking walang magugutom na Pilipino.

Ang sabi nga ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa mga LGU, kung may duda o hindi sigurado sa mga inilalabas na guidelines, magtanong sa DILG.

Para naman sa nakatanggap na ng tulong, huwag magreklamo at maliitin kung ano ang naiabot na tulong sa inyo. Magpasalamat kahit marami yan o kakarampot dahil ang mahalaga ay mayroong naiabot na tulong sa inyo.

Pero sang-ayon ako sa hirit na “sana all” ng mga netizen sa ginawa ng Aalkalde sa Gapan, Nueva Ecija na si Mayor Emeng Pascual kung saan namahagi ito ng tig-50 kilo ng bigas sa bawat pamilya at may libreng rasyon ng itlog ang mga taga-Gapan araw-araw habang umiiral ang enhanced community quarantine. Kudos sa iyo Mayor!