Kinatigan ng Palasyo ng Malacañang ang panukalang isinusulong ngayon sa Kamara na magpapa­bigat sa ipapataw na parusa laban sa mga magpapa­kalat ng bomb jokes.

“If only to quell itong mga birong hindi maganda, dapat madisiplina tayo dito sa bagay na ito,” paha­yag ni Executive Secretary Salvador Medialdea nang kapanayamin sa isang himpilan ng radyo kaugnay sa kaliwa’t kanang bomb threat na tinatanggap ng mga eskwelahan sa Metro Manila.

Ipinaliwanag din ni Medialdea ang inilabas na Memorandum No. 3 — na panuntunan para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na siyang magpapatupad ng mga hakbangin upang maagapan ang paghahasik ng karahasan ng masasamang elemento sa lipunan.

“Alinsunod sa inilabas na guidelines sa deployment ng dagdag na puwersa ng militar at pulisya, nilinaw ng opisyal na “augmentation lang ng police authorities sa mga areas na dapat tutukan. May mga intelligence report na baka ulitin, siyempre preventive po itong mga measures na ito.”

“Memorandum Order No. 3, Section 5, we categorically stated that the constitutional rights of every indivi­dual should be respected and given due regard by the Armed Forces and the police,” ayon pa sa opisyal.