Nasa kamay na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumpletong listahan ng mga sangkot sa iligal na droga sa bansa.

Ito ay matapos na iturn-over kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinasabing third at final narco-list na naglalaman ng 1,000 pangalan ng mga sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Kasabay ng pagbibigay sa AFP ng beripikado at kumpleto umanong listahan ng mga personalidad mula sa local government units na kinabibilangan ng mga mayor, assemblyman, vice mayor, barangay captain, municipal councilor, governor, congressman, pulis at judge ay pinaalalahanan ng Pangulo ang AFP sa kanilang responsibilidad na pagbibigay proteksyon sa taumbayan bukod pa sa pagdepensa sa seguridad ng bansa.

Ngayong hawak na ng AFP ang listahan, ano naman kaya ang susunod na hakbang dahil ayon sa Pangulo ay validated ang hawak niyang dokumento.

Ibig sabihin ay nakumpirma o may matibay na ebidensyang nagdidikdik sa mga personalidad na nasa narco-list.

Kaya naman ay umusad ang kaso laban sa mga inaakusahang sangkot sa kalakalan ng iligal na droga dahil sayang ang masindhing­ pagnanais ng Pangulo na maresolba ang problema sa iligal na droga kung magiging teka-teka o usad pagong ang gagawing imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa mga kinakaladkad na mga personalidad.

Katulad ng pagnanais ng maraming sumusuporta sa kampanya ni Pangulong Duterte na malinis ang bansa sa iligal na droga ay hangad din namin ang tagumpay na ito sa pamamagitan ng pagselda sa mga mapapatunayang nagpapartisipa sa illegal drugs operation sa bansa.