Nagkita naman si Margaret at Evelyn, na noon ay 23-taon na, sa burol na ni Steven at nahalata na ng ginang ang malamig na pakikitungo ng manugang sa kanya at ang pagtatanong nito kung nagkausap na sila ni Michael at kung ano ang sinabi sa kanya ng kaibigan ng asawa.

Nagtaka rin si Margaret nang pigilan siya ni Evelyn na magtungo sa kanilang bahay sa Angeles City upang bisitahin ang kalagayan nilang mag-ina.

Nang makipag-ugnayan si Margaret sa Crimi­nal Investigation Division ng Makati police upang alamin kung ano na ang itinatakbo ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa pagpaslang sa kanyang anak, hindi naman idinetalyeng lahat ng kapulisan ang ginagawa nilang pagsisiyasat upang hindi makompromiso ang mga nakakalap na nilang ebidensiya at testigo.

Inakala ni Margaret na mabagal ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan sa pagkamatay ng kanyang anak kaya’t siya mismo ang nagtungo sa Angeles City upang makipag-ugnayan sa mga naging kaibigan ng anak.

Dito niya nakausap ang kasera o may-ari ng bahay na inuupahan ng pamilya ng anak at naikuwento nito sa kanya ang madalas na pagtanggap ng bisita ni Evelyn, na karamihan ay kalalakihan, sa kanilang bahay habang wala at nagtatrabaho sa Makati city ang asawa.

Pati ang madalas din pagkakaroon ng kasiyahan o party sa loob ng bahay ni Evelyn ay nasabi ng kasera kay Margaret gayung noong unang nakilala niya ang manugang ay hindi ganoon ang pagtingin niya rito.

Dito lumakas ang hinala ni Margaret na may kinalaman ang manugang sa pagpatay sa kanyang anak kaya’t ipinabatid niya ito sa mga imbestigador ng Makati police na noon ay unti-unti na ring nakakalap ng mga testigo na magtuturo sa mga salarin.

Dahil sa hinalang nagkukulang ang kapulisan sa pag-TUGIS sa mga salarin, umupa pa si Margaret ng pribadong imbestigador na tututok sa pagtanggap ng mga bisita ni Evelyn at isa-isang kinukuhanan ang mga lalaking madalas magtungo sa bahay ng ginang.

Ang hindi batid ni Margaret, may mga nakalap ng ilang mga testigo ang Criminal Investigation Division ng Makati police na makapagbibigay ng detalye sa katauhan ng mga salarin pati na ang kinaroroonan ng mga ito.

Nang ipakita naman ng private detective kay Michael ang mga larawang kuha sa mga lalaking bumibisita kay Evelyn, kaagad niyang nakilala ang isa na tumutok sa kanya ng baril kaya’t dinala nila ni Margaret ang larawan sa pulisya na tumugma rin sa kaanyuang ibinigay ng testigo sa pulisya.

Dahil malakas ang hinala ni Margaret na may kinalaman ang manugang sa nangyaring krimen, humingi siya ng tulong sa Konsulado ng Inglatera upang mapagkalooban ng exit visa ang kanyang limang taong gulang na apong si Jessica at tatlong taong gulang na si Joshua upang maisama nilang mag-asawa sa kanilang pag-uwi sa Inglatera.