Nang makapagtapos ng pag-aaral, ipinasiya ni Steven na kahit sa murang edad na 21 ay kaagad na nakipag­sapalaran bansang Hong Kong kung saan kinuha siya ng isang malaking kompanyang Jadecool Internet Ma­nagement at dito niya pinakinabangan ang kanyang abilidad bilang computer expert.

Bilang libangan, naging ugali na ni Steven na magtungo sa Pilipinas kapag nagkaroon ng pagkakataong magbakasyon sa trabaho upang bisitahin ang mga magagandang lugar sa bansa na madalas niyang marinig sa mga Pilipinong nagta-trabaho sa Hong Kong.

Nang mapagawi sa Angeles City sa lalawi­gan ng Pampanga si Steven, pumasok siya sa isang bar doon at dito niya nakilala ang batang-batang dancer na si Evelyn Bohol na labis na nakatawag-pansin sa kanya.

Mistulang nabighani si Steven kay Evelyn na bagama’t hindi naman maituturing na nag-aangkin ng kakaibang kagandahan, malakas naman ang hatak nito sa paningin ng kalalakihan na naging dahilan upang mahulog ang loob sa kanya ng banyaga.

Hindi naman nabigo si Steven sa malinis na hangarin kay Evelyn matapos na tugunan din ng dalaga ang pagmamahal na iniuukol sa kanya ng binata.

Nang ipagsama ni Steven sa Hong Kong si Evelyn, ginamit ng dalaga ang pangalan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Dianita, pati na ang birth certificate nito sa pagkuha ng pasaporte dahil isa siyang menor-de-edad kaya’t nakilala siya sa naturang bansa sa ginamit na pangalan ng nakatatandang kapatid.

Dahil kapwa nag-iibigan, nagbunga kaagad ang pagsasama ng dalawa at nang isilang ni Evelyn ang kanilang panganay na anak na si Jessica, labis na katuwaan ang nadama ng dalawa, kasabay ng pagbabalita ni Steven sa kanyang inang si Margarett ang pagkakaroon na nito ng apo.

Nang muling magdalang-tao si Evelyn, dalawang taon ang nakakaraan, dito na siya inalok ng kasal ni Steven na kaagad namang tinugunan ni Evelyn.

Marso ng taong 1997 nang ipasiya ng dalawang nagmamahalan na magpakasal sa Hong Kong, gamit ng babae ang pangalan at edad ng nakatatandang kapatid na si Dianita, dahil wala pa siya sa tamang edad para magpakasal ng walang pahintulot ang magulang. Si Evelyn ay 17-taong gulang pa lang noon nang magpa­kasal kay Steven.

Dahil na rin sa napipintong pagkakaroon ng ikalawang supling, lalo pang nagsumikap si Steven sa pagta-trabaho at dahil sa angking ga­ling sa makabagong teknolohiya, itinalaga siya bilang Chief Technology Officer sa isang sangay ng Jadecool Internet Management sa Pilipinas, ang JC Software sa Makati City kung saan nagkaroon siya ng malaking sapi sa tulong ng kanyang inang si Margarett.

Nang isilang ni Evelyn ang pangalawa nilang anak na si Joshua, nanirahan na sila sa Angeles City sa lalawigan ng Pampanga kung saan nakakuha ng mauupahang bahay sa 1823 Fifth St., Villasol Village, Angeles city, Pampanga