Sang-ayon ang inyong lingkod sa paniniwala ng isang nagbo­luntaryong magpa-drug test na bise alkalde sa lalawigan ng Nueva Ecija na obligas­yon ng sinumang halal na opisyal ng gobyerno na pangunahan ang anumang hakbang tungo sa ikabubuti ng kanyang mga nasasakupan.

Kagaya ng ilang mga nauna nang mga opisyales ng gobyerno mula sa national at local position ay naniniwala akong dapat na gumawa ng isang mabuting halimbawa ang isang lider para sumunod ang kanyang mga kasamahan at mga kababayan.

Kaya naman maraming napahanga si Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali nang magtungo ito sa Provincial Crime Laboratory Office ng Nueva Ecija upang pangunahan ang drug testing.

Nilinaw ng bise alkalde na pinili nitong sumailaim sa urine testing sa Provincial Crime Laboratory Office para masigurong accurate at hindi pwedeng manipulahin ang drug test sapagkat awtorisado ito ng pamahalaan at kapulisan ng Nueva Ecija bukod pa sa walang pangambang magkakaroon ng “specimen switching”.

Ang naging hakbangin ni Umali ay layong himukin ang mga kapwa opisyal sa Cabanatuan na tumalima sa anti-drug campaign bilang suporta sa gobyernong Duterte.

Bitbit ang “Tatak Uma­li: Serbisyong Tapat” ay nais ng bise alkalde na maging ehemplo sa mga mamamayan ng probinsya bilang isang marangal at malinis na lingkod bayan.

Apela nga ng opisyal sa mga kapwa niya halal ng bayan, magpa-drug test at i-submit ang sarili sa kinauukulan.

Sa ginawang pagpapadrug-test ay nagnegatibo ang opisyal bilang patunay na hindi kailanman gumamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ang inisyatibo ni vice mayor ay ginawa kasunod ng ibinunyag na impormasyon ng Philippine National Police (PNP) Region 3 Office na may 10 mayor at vice mayor mula sa Central Luzon na kinabibilangan ng Nueva Ecija ang kasama sa listahan ng mga “narco-politicians” na sunod na papangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

In fairness, may agad na tumugon sa panawagan ng opisyal dahil sumalang din sa random drug testing ang 18 department heads at empleyado ng Cabanatuan City government na isinagawa sa city hall bukod pa sa 38 naunang nang sumailalim sa drug test noong nakaraang linggo.

One Response

  1. Magandang halimbawa ang ginawa ni Vice Mayor Umali, sa kabilang banda hindi porke’t negatibo ay lusot na dahil may mga protektor na di gumagamit pera pera lang kaya nga Narco Politics dahil pinatatakbo sila ng drug money not necessairly mean na drug dependant ka na.