Macalintal sa mga Katoliko: Ipakita ang suporta sa Simbahan

Macalintal sa mga Katoliko: Ipakita ang suporta sa Simbahan

UMALMA ang Otso Diretso candidate na si Atty. Romy Macalintal sa patuloy na pagtira ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Simbahang Katoliko, lalo na sa mga pari at obispo.

Ayon sa beteranong abogado, na isang debotong Katoliko, dapat manindigan na ang Simbahan at mga kaparian laban sa walang-tigil na tirada ni Duterte laban sa kanila.

Dagdag ni ‘MacaRomy,’ dapat ay ipa­kita ng mga Katoliko ang pagkakaisa nito laban sa pang-aalipusta ng Pangulo upang hindi sila magmistulang “tupang walang pastol.”

“Panahon na upang magsama-sama tayong mga Katoliko at iparinig ang magkakaisa nating mga boses na tayo ay lalaban sa sinumang lalapastangan at mambabastos ng ating Diyos, pari at pananampalataya,” dagdag niya.

Pasok si MacaRomy at iba pang mga kandidato ng Otso Diretso sa listahan ng mga i-eendorso ng mga laiko ng iba’t ibang relihiyon dahil sinusuportahan nila ang tinatayuang adbokasiya ng mga kandidato.

Kasama ni MacaRomy sa Otso Diretso slate sina Senator Bam Aquino at Magdalo Congressman Gary Alejano; ang mga nagbabalik na lingkod-bayan na sina dating senador Mar Roxas at dating Congressman Erin Tañada; at ang mga bago ring sasabak sa politika: ang ­dating ­Solicitor General na si Florin Hilbay, beteranong abogado na si Chel Diokno, at dating ARMM assemblywoman na si Samira ­Gutoc.