Madisiplina kaya ang mga pasaway na motorista?

Ipinahayag ni Department of Transportation (DOT) Secretary Arthur Tugade na igagarahe o i-impound sa Tarlac ang mga balagbag na sasakyan na pahara-hara sa mga daanan sa Metro Manila.

Ang hakbanging ito ng DOTr ay bunsod ng paulit-ulit na ope­rasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) katuwang ang ilang ahensya ng gobyerno sa mga iligal na naka­paradang mga sasakyan.

Naniniwala ang Transportation secretary na makakatulong ang paglipat ng impounding area ng mga nahahatak na mga sasakya­n sa mas malayong lugar upang matakot ang mga motorista na pumarada kung saan-saan.

Nanindigan din ang Transportation secretary na kaya humantong sa ganito ang desisyon hinggil sa mga iligal na nagpaparada ng sasakyan ay dahil sa pinangangalagaan ng gobyerno ang ­interes ng nakararaming motorista at commuters.

Suportado natin ang paglilipat ng impounding area ng mga nahatak na mga sasakyan sa mas malayong lugar o labas ng Metro­ Manila para madisiplina ang mga motoristang walang takot sa pagpaparada ng kanilang mga sasakyan sa mga ipinagbabawal ng batas.

Dagdag parusa talaga ang hakbang ito dahil maituturing na dagdag parusa ang paglilipat sa Tarlac ng impounding area sa mga drayber na nagpapahirap sa mga kapwa nila gumagamit ng lansangan.

Bukod sa malayo na ay malaking gastos ding babalikatin ng may-ari ng mahahatak na sasakyan dahil may kaukulang bayad ang mga sasakyang hindi makukuha sa kanilang central office at ililipat sa Tarlac at kabilang sa babayaran ay ang towing at toll fee.

Ang paglilipat sa Tarlac ng impounding area ay mabigat nang kaparusahan. Pero ang tanong: kayanin kaya ng malupit na kautusang ito ng Transportation Secretary ang tigas ng ulo ng mga motorista?

Iyan ang ating pakaaabangan sa sandaling opisyal nang iimplementa ang bagong kautusang ito at abangan din natin ang buting idudulot nito sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.