Noong una pa lamang ay nagsabi na si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging madugo, magulo ang ilulunsad na kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga at kriminalidad.

Ibig sabihin, nagpahiwatig na si Pangulong Duterte sa kahihinatnan ng pinaigting na kampanya ng gobyerno kaya­ kung sang-ayon tayo sa labang ito ay ibigay natin ang ating suporta.

Masakit kung sa masakit na malamang kaliwa’t kanan ang tumitimbuwang nating mga kababayan dahil sa pinaigting na kampanya sa illegal drugs.

Pero ang tanong sinu-sino ba ang mga ito? Sino ba ang napapatay ng mga awtoridad sa kanilang mga operasyon?

Hindi kaya kabilang ang ilan dito sa pagpatay o pagnanakaw sa ilang ordinaryo nating mga kababayang nagtatrabaho o pumapasok lamang sa eskuwelahan pero pinagtripang patayi­n ng isang lango sa iligal na droga?

Para sa amin sa ganitong perspektiba na lamang natin tingnan ang kaliwa’t kanang pagbulagta ng mga sangkot sa iligal na droga.

Dahil sa bandang huli sa sandaling magtagumpay ang ating gobyerno sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang ilang law enforcement unit ay tayu-tayo rin naman ang makikinabang sa komunidad na ligtas na sa galamay ng sindikato ng iligal na droga.

One Response