Naging madugo ang pagdya-jamming ng tatlo sa kanilang pot session nang dalawa sa mga ito ang tumimbuwang habang isa ay naaresto, sa pagpapatuloy na anti-illegal drugs operation sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa investigation report ni SPO1 John Sales, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), nakilala ang mga nasawi na sina alyas Buboy Bulong, nasa pagitan ng edad 35-40, ng Brgy. San Antonio; at Alex Naguimbing, 33, ng Nueva Ecija, habang naaresto si Severino Valentin, 45, ng Brgy. Holy Spirit.
Ayon kay SPO1 Sales, naka-engkwentro ng mga suspek ang tropa ng Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng QCPD Station 2 sa pangunguna ni P/Chief Insp. Erwin Guevarra.
Nangayari ang insidente dakong alas-11:00 ng gabi sa 204 Fernandez St., Brgy. Holy Spirit Quezon City.
Lumilitaw na bago pa makaengkwentro ay nakatanggap ang Tactical Operation Center (TOC) ng QCPD PS-2 ng tawag sa isang concerned citizen dakong alas-10:15 ng gabi, at ibinigay ang impormasyon sa nangyayaring pot session sa bahay ng nasawing si Bulong, kaya’t ikinasa ang operasyon sa naturang lugar.
Subalit, bago pa makapasok ang mga awtoridad sa nasabing bahay ay nakatunog na sina Bulong at Naguimbing at inunahan nang putok ang mga operatiba, dahilan kaya gumanti ang mga pulis na naging sanhi ng pagkasawi ng dalawang suspek.
Sa gitna ng putukan ay nagawa namang makatago sa ibang kuwarto ng suspek na si Valentin na hindi narin nanlaban. Nakuha sa kanya ang isang sachet ng shabu.
Narekober naman sa crime scene ang dalawang kalibre .38 na baril at mga basyo ng tingga, aluminum foil at isang sachet ng shabu.