Ang katangian ng armadong rebolusyon na isinusulong ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay marahas at madugo na ang layunin ay patalsikin ang kasalukuyang gobyerno.

Ang negosasyon o ti­gil-putukan ay isa lamang mekanismo sa proseso ng usapang pangkapayapaan. Sa madali’t sabi, ito’y istratehiya at paborable sa magkabilang panig.

Sa kasaysayan, wala­ pang naupong pangulo ng bansa ang nagtagum­pay na mapatigil ang armadong pakikibaka ng mga komunista. Laging buma­bagsak ang usapang pangkapayapaan at nanunumbalik sa dating gawi.

Kahapon pagkatapos ng kanyang State of the Nation Address (SONA), hinarap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mi­litanteng raliyista sa harap mismo ng gate ng House of the Representatives.

Naghamon si Duterte na barilin siya. Lahat nagulantang. Kung tala­gang galit ang kaliwa kay Duterte, siya’y open target na sa pagkakataong ‘yun.

Hindi ko na tinanong kung ano naman ang masasabi ni Presidential Security Group (PSG) chief Bri­gadier General Louie Dagoy dahil alam ko na ang kanyang sasabihin. Sabi nga ni Dela Rosa, ‘security nightmare’ ang ginawa ni Duterte.

Ito lang ang pangulo ng bansa na ginawang open target ang sarili. Nawala ang tapang ng mga militante na karamihan ay mga estud­yante na walang nagawa kundi magsisigaw. Hinamon din ng mga ito ni Duterte na dalhin ang kanilang tapang sa kanayunan, samahan ang mga magsasaka sa hirap ng buhay sa kabukiran.

Marami na akong nakitang ‘OJT’ mula sa iba’t ibang unibersidad na nagtungo, nakilahok at naki­pamuhay sa kanayunan na matapang sa simula pero sumusuko sa kalaunan sa hirap ng buhay-hukbo.

Sigaw ng mga militate, ituloy ang peace talks. Sagot naman ni Duterte, gusto niyo akong patayin tapos gusto niyo ng peace talks, sino ang kakausapin niyo, kaluluwa ko?

Mahaba-haba ring nakatayo si Duterte sa harapan ng mga militante. Walang nangyari at uma­lis ang pangulo.

Itinuloy ang kanyang pagpapaliwanag sa bayan sa harap naman ng media.

Sabi ni Renato Reyes ng Alyansang Makaba­yan, hindi maiiwasan ang labanan habang may usapang pangkapayapaan. ‘Yan ang katotohanan.

Sino nga ba ang nakakaalam kung may patutunguhan o wala ang usapang pangkapayapaan?
[Para sa suhestiyon at reaksyon, i-email sa jbsalarzon@yahoo.com]

One Response