Dear Dream Catcher,

Gusto ko lang po malaman kung anong ibig sabihin ng panaginip ko. Napa­naginipan ko po kasi ang nanay ko na aalis daw papuntang Canada. Ano po kaya ibig sabibin nun? Sana po ay magabayan niyo po ako.

Marisse

Ang panaginip tungkol sa pag-aabroad ay simbolo ng pagbabago. Indikasyon lamang ito na may mga pagbabagong nagaganap o maaaring magaganap pa lamang sa iyong buhay.

Ang panaginip tungkol sa isang foreign country ay indikasyon din na may dapat kang baguhin sa buhay mo. Ito ay kadalasang maikokonek sa pag-move on.

Maikokonek din ang iyong panaginip sa pagkakaroon mo ng bukas na kaisipan sa anumang bagong oportunidad at bagong karanasan sa buhay.

Ang pag-a-abroad ay nagpapakita rin na sa kasalukuyan ay medyo hindi ka komportable sa anumang sitwasyon mo at meron kang gustong gawin na kaiba sa nakasanayan mo.

Ang iyong ina ay na­ging representasyon lamang ng iyong sarili. Wala sa ina ang pagbabagong pinag-iisipan mo kundi nagmumula sa iyong sarili.

Sa bawat panaginip natin, sarili pa rin natin ang makapagbibigay ng eksaktong intepretasyon at sa iyong naging pana­ginip, makabubuting pag-aralan mo kung merong negatibong pangyayari o sitwasyon sa iyong buhay kung saan may ikinukonsidera kang malaking pagbabago. Anumang pagbabagong ito ay makakaapekto hindi lamang sa iyo kundi sa iyong pamilya.

Maaari rin namang ang iyong panaginip ay mensahe ng iyong subconscious na kailangan mo ng bagong awra, ng bagong kapaligiran o bagong sitwasyon para mabalik ang sigla ng iyong buhay. Kung ikaw ay matagal nang hindi nakakapagbiyahe o walang oras para magbiyahe puwedeng ang iyong panaginip ay mensahe ng iyong subconscious para umalis sa iyong comfort zone at sumubok sa isang bagong hamon ng buhay.

Anumang pagbabago ang iyong kinakaharap, wala kang dapat katakutan dahil bukas ang iyong isip, bukas ang iyong pinto para sa anumang pagbabago gaya na rin ng naging mensahe ng iyong panaginip.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panagi­nip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pa­naginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.