Naaresto ng mga awtoridad ang tulak na mag-ama, isang criminology student at tatlo pa na parokyano umano ng mga ito sa isinasagawang anti-drug operation ng mga awtoridad sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Supt. Joselito T. Esquivel Jr., ang mag-amang nadakip na sina Romel Lavadia, 46-anyos at anak na si Romel John Lavadia, 21.

Huli rin ang criminology student na si Gian Christopher Nortega, 20; Karl Memita, 20; Jheo Mark Paul Datan, 21; at Jello Romantico Valenzuela, 21, pawang residente ng Brgy. Holy Spirit.

Nadakip ang mga suspek alas-dos Lunes nang madaling-araw makaraang makatanggap ng tip ang pulisya sa pagtutulak ng iligal na droga ng mag-ama kaya ikinasa ang operasyon laban sa mga ito.

Nang magpalitan ng marijuana ang anak na Lavadia at poseur buyer ay dito na pinosasan ang suspek, kaniyang ama, at ang mga nabanggit na kasamahan nito na umano’y mga kasabwat din sa paggamit at pagtutulak ng marijuana.

Nakumpiska sa suspek ang tatlong sachet ng marijuana, drug paraphernalia at buy-bust money.