Inaresto kahapon ng mga awtoridad ang isang mag-ama na diumano’y pangunahing suspek sa pinaslang na miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Pasig City noong Nobyembre 29 ng gabi.

Batay sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director Sr. Supt. Bernabe Balba, kinilala ang mag-amang suspek na sina Julius Panis y Arabiran, 58-anyos, at Aaron Paul Panis y Melendres, 37-­anyos, isang electrical engineer.

Ayon kay Pasig City Police chief Sr. Supt. Rizalito Gapas, ang mag-ama na una nang napaulat na persons of interest sa pagpatay kay PO2 Manuel Melendres III, 48-anyos, ay nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region, EPD Intelligence Division at Pasig Police kahapon ng umaga.

Aniya, matapos ang masusing imbestigasyon sa kaso ay inaresto ang mag-ama na kaanak ng biktima sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Executive Judge Danilo Cruz ng Pasig Regional Trial Court Branch 152, sa kani-kanilang bahay sa loob ng Melendrez Compound sa Pag-asa St., Brgy. Caniogan, Pasig City.

Ayon kay Gapas, away sa pamilya ang motibo ng pamamaslang pero ayaw na nitong magbigay pa ng detalye tungkol sa kaso.

Nakasamsam din umano mula sa bahay ng matandang Panis ng isang kalibre .38 Smith & Wesson revolver, isang kalibre .38 Armscor revolver, isang caliber .38 reloader, isang rifle grenade at isang converted rifle caliber .22.

Nakakuha naman sa bahay ni Aaron Paul ng isang MK2 fragmentation grenade at isang tear gas.

Binaril at napatay si PO2 Melendres bandang alas-11:45 ng gabi noong Nobyembre 29 habang pababa ng Starex van sa loob ng kanilang compound na halos mga kaanak ng biktima ang nakatira.

Samantala, malaki naman ang pasasalamat ng asawa ng nasawing pulis na si Shirley Melendres matapos malaman na nahuli na ang pumatay sa kanyang mister bagama’t nadismaya ito dahil mga kamag-anak din nila ang sangkot sa krimen.

Nakakulong na ngayon ang mag-ama sa detention cell ng Pasig City Police at sasampahan ng mga kasong murder at illegal possession of firearms and ammunitions sa Pasig Prosecutor’s Office.