Palaisipan ngayon sa Cavite police kung sa alak nasawi ang mag-ama at katropa ng anak na pawang natagpuang patay sa loob ng bahay sa Silang, Cavite.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Alejandro Brosas, 59, anak nitong si Charlie. 34, kapwa residente ng Bgry Bukluran 1, Silang, Cavite at isang di pa nakikilalang lalaki na tropa ng huli.

Sa ulat ni PSSgt Benjamin Ian Gran, ng Silang Municipal Police Station, dakong alas-8:20 kahapon ng umaga nang matuklasan ng mga kapitbahay nito ang tatlo na pawang nakabulagta at wala ng buhay sa loob ng bahay ng mag-ama.

Ayon kay Gran, walang nakitang anumang foul play sa pagkamatay ng tatlo.
Wala aniya ito ni anumang galos, sugat o kahit na anong palatandaan na pinahirapan ang mga ito, maliban sa nangangamoy alak ang buong kabahayan.

Dagdag pa ni Gran, hindi pa malaman kung anong alak ang ininom ng tatlo dahil walang nakitang anumang bote ng alak at wala ring saksi na magpapatunay na uminom sila dahil bukod sa liquor ban ay maaga umanong natutulog ang kanilang mga kapitbahay dahil sa ipinapatupad na curfew.

Gayunman, kilala ang mga-ama sa kanilang lugar na parehong mahilig uminom ng alak.

Isasailalim pa sa awtopsiya ang tatlo upang mabatid kung ano ang sanhi ng kanilang pagkamatay. (Gene Adsuara)