Binawian ng buhay ang isang ama habang nasa malubhang kalagayan naman ang anak nito, matapos kumain ng isdang butete sa Pagudpud, Ilocos Norte kamakalawa.

Nasawi habang ginagamot sa Adventist Hospital sa nasabing bayan, si Rizalino dela Cruz, 35, ng Brgy. 1 habang inoobserbahan pa sa hiwalay na ospital ang 13-anyos na anak nito.

Sa imbestigasyon, ayon kay Pagudpud Police Station Chief Insp. Lawrence Ganuelas pumunta sa laot ang matandang Dela Cruz upang manghuli ng isda, sa kanilang bahay, ginawang pulutan ang nahuling butete at saka nag-inuman kasama ang ilang kaibigan.

Ilang sandali lamang umano nang makaramdan ang mag-ama ng pananakit ng ulo, pagkahilo at pana­nakit ng tiyan.

Kinain umano ni Rizalino ang itlog ng butete at tumikim din ang anak nito bago sumama ang pakiramdam.