Natusta ang isang mag-ama matapos sumiklab ang sunog kahapon ng hapon sa Malate, Maynila.
Ayon sa Manila Fire Bureau, nakilala ang mag-ama na si Abelardo Salonga, 79 at anak nitong si Jimmy, 47, matapos na hindi na makalabas sa kanilang bahay dahil sa malaking apoy at makapal na usok sa Malate, Maynila.
Sumiklab umano ang sunog sa Ermita, Malate, malapit sa Leveriza, Maynila, na umabot sa task force alpha dakong alas-4:31 ng hapon, at idineklarang fire-out bandang alas-5:59 ng hapon.
Samantala, hindi pa umano kumpirmado kung nasawi sa sunog sa Vitas, Tondo ang dalawang paslit matapos iwanan ng kanilang ina at kandaduhan ang pinto ng bahay para magtinda sa Divisoria.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-2:54 ng hapon nang nagsimula ang sunog sa isang residential area sa Vitas, Tondo, Maynila, na umabot sa ikalimang alarma at patuloy pa rin na inaapula habang isinusulat ang balitang ito.
Nabatid na isang naiwanang kandila ang pinagmulan umano ng sunog na mabilis kumalat dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay.
Nahirapan umanong apulahin ang apoy sa Vitas Tondo, dahil sa mga kable ng kuryente na patuloy pa rin nagpuputukan.