Mag-ama niratrat ng mga maskarado

gun-masked

Patay ang mag-ama na umano’y ‘tulak ng droga’ sa kanilang lugar nang pagbabarilin ng apat na maskaradong riding-in-tandem habang nasa loob ng bahay kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.

Kapwa naisugod pa sa Pasig City General Hospital ang mag-amang sina Aliton Dy, 45 at ang anak na si Nash Patrick Daniel, 18, estudyante ng 841 Labanos St. Barangay Napico Manggahan, nang nasabing lungsod, subalit idineklara ni Dr. Ethel Joy Agaid na dead on the spot ang mga ito sanhi ng maraming tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Oliver Baguiran ng Station Investigation Division ng Pasig City Police, dakong alas-12:09 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaslang sa mag-ama sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Napico Manggahan Pasig City.

Nakamaskara at nakasuot umano ng kulay itim na jacket ang mga suspek.

Inamin din ni Arlie Dy, may bahay ni Aliton, na drug pusher ang kanyang asawa habang ang kanyang anak ay gumagamit ng illegal drugs.