Sa halip na takasan o pagtaguan, pinalalantad ng National Police Commission (Napolcom) ang mag-amang Guimbal, Iloilo Mayor Oscar at Iloilo 1st District Rep. Richard Garin sa reklamong pagposas, pagdis-arma, paninipa, pagsampal at pagdura sa imbestigador ng Municipal Police Station na si PO3 Federico Macaya, Jr. sa harap ng mara­ming tao sa nasabing bayan.

Batay sa panayam sa radyo kay Napolcom Region 6 director Atty. Joseph Celis, sa ngayon ay tila nagtatago na ang mag-amang Garin dahil hindi na mahagilap ang mga ito at sa kanilang impormas­yon ay lumabas na ang mga ito sa bansa.

“Kung wala silang (mag-amang Garin) kasalanan, bakit hindi nila harapin ang kinasasangkutan nilang kontrobersiya na nagresulta sa pagkondena mula kay Pangulong Rodrigo Duterte at pagbatikos mula kay PNP chief Director General Oscar Alba­yalde,” giit ni Atty. Celis.

Nauna nang nagpahayag si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ng labis na pagkadismaya sa pagiging abusado at arogante sa sinasabing pambubugbog at pagdura sa nasabing pulis.

Magugunitang napaulat na sumugod umano sa Guimbal Plaza ang mag-amang Garin at binugbog ang imbestigador na si PO3 Macaya noong mada­ling-araw ng Miyerkoles, Dec. 26, 2018. (Dolly Cabreza)