Sinalubong ng trahedya ang biyahe ng isang mag-anak makaraang mapisak ang sinasakyan nilang kotse sa pagitan ng dalawang bus habang binabagtas ang kahabaan ng Maharlika Highway sa bahaging sakop ng Brgy. Doña Aurora sa Calauag, Quezon kahapon ng hapon.
Isa ang nasawi habang apat ang sugatan sa insidente.
Nakilala pa lamang sa pangalang Edelina Sayritan ang namatay na idineklarang dead-on-the-spot.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Calauag Police, bandang ala-1:30 ng hapon ay binabagtas ng Toyota Vios na sinasakyan ng mag-anak ang Maharlika Highway nang salubungin ito ng isang pampasaherong bus na pag-aari ng R.U. Diaz Trans at minamaneho ni Charlie Malaginio.
Dere-deretsong bumangga ang bus sa kotse ng mga biktima.
Dahil sa biglaang pangyayari, nasalpok din ang kotse ng kasunod na pampasaherong bus ng AB Liner na nagresulta sa pagkakapisak ng kanilang sasakyan sa pagitan ng dalawang bus.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito kagabi ay nasa kritikal na kalagayan pa umano ang apat na sugatan na kinilala sa mga pangalang Ayron Paul, Apolinario, Bleza at Kimbee na pawang may apelyidong Sayritan.
Nilalapatan pa sila ng lunas sa hindi binanggit na ospital.
Naaresto na ng mga pulis ang mga drayber ng dalawang bus.