Mag-asawa nabagsakan ng pader

Binawian ng buhay ang isang ginang habang nasugatan ang kanyang mister matapos silang madale ng pananalasa ng bagyong Ambo sa Quezon nitong Biyernes.

Batay sa report ng Quezon PNP, nabagsakan ng kanilang nagibang bahay ang mag-asawang biktima sa Barangay San Vicente Silangan sa Bayan ng Catanauan habang humahagupit ang sentro ng bagyo sa nasabing munisipalidad dakong alas-9:30 ng umaga.

Kinilala ng Catanauan police ang nasawing si Lourdes Quinto, 62 anyos. Sugatan namang isinugod sa Bondoc Peninsula District Hospital ang asawa nitong si Melencio Quinto na nagtamo ng mga sugat sa binti at paa.

Bigla umanong bumagsak ang kongkretong dingding ng bahay ng mag-asawa at nasapol sa ulo ang babae na agad nitong ikinasawi.

Batay sa track ng Typhoon Ambo, dakong alas- 8:00 ng umaga nang muli itong mag-landfall sa bahagi ng Quezon province sa bayan ng San Andres na kalapit lamang ng Catanauan, na isa sa mga bayan na direktang tinahak ng sentro ng bagyo. (Ronilo Dagos)