Nasawi ang mag-asawa, habang masuwerte namang nakaligtas ang kanilang 5-anyos na anak, sa pagsabog na naganap sa kanilang bahay sa Sto. Tomas, Batangas pasado alas-12:00 Lunes nang tanghali.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nangyari ang pagsabog sa bahay ng mag-asawang sina Jerwin Salazar at Joy Sorima sa Madison Garden Subdivision sa Brgy. San Roque ng nasabing bayan.
Dinala naman sa pagamutan ang kanilang anak para malapatan ng lunas makaraang magtamo ng sugat nang papalapit pa lamang ito sa kanilang bahay ay nangyari ang pagsabog.
Lumalabas din sa paunang pagsusuri na ginawa umanong pagawaan ng mga blasting cap ang nasabing bahay. Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaugnayan ng mag-asawa sa mga nasabing iligal na aktibidad at ano ang naging dahilan ng pagsabog.
Bukod sa kanila ay wala nang napaulat na nasaktan sa insidente ngunit nag-iwan naman ito ng pinsala sa katabing bakanteng lote, kung saan nasunog pa ang mga puno at damo gayundin ang nasirang bintana ng kapitbahay.
Nagkalat sa lugar ang mga damit, bubong at iba pang debris mula sa bahay ng pamilya. Nakita rin sa pinangyarihan ang piraso ng mga blasting cap na ginagamit umano sa illegal fishing at quarrying. (Ronilo Dagos)