Tulad sa tunay na buhay, nagtutulungan ang mag-asawa upang magpagtagumpayan ang mga plano sa buhay.
Lunes nang hapon, nagsikap ang mag-asawang Paul Marton at Rachelle Anne dela Cruz upang hablutin ang unang medalya ng bansa sa archery competition ng 30th Southeast Asian Games Philippines sa Parade ground, Clark.
Inamin ni Paul Marton na dinala siya ng kanyang asawa para masungkit ang ginto sa mixed team compound.
“Sabi ko ito na naman parang ‘yung asawa ko na naman ang nagdadala ng laro,” nakangiting kuwento ni Paul.
Naging sandalan nila ang mga sumusuporta sa kanila at ang hangaring mapalaso ang medalya para sa national archery team kaya todo ang kanilang tulungan.
“Actually naisip po namin dalawa na kami ang huling pag-asa kaya nagtulungan po kaming mag-asawa. sabi namin kailangan naming bumawi para sa lahat para sa PH archery,” hayag ni Paul.
“Iniisip ko kung matalo silver kung manalo bawi lahat ‘yung pagod,” hirit naman ni Rochelle.
Aniya, malaking tulong din sa kanila ang kanyang kapatid dahil ’di ito nagtrabaho upang maalagaan ang kanilang bunsong anak.
“Salamat sa lahat lalo na sa kapatid ko, ‘di siya nag-apply para alagaan ‘yung bunso ko,” naluluhang panapos ni Rochelle.
Wala pang plano ang mag-asawa sa insentibo. Ang sigurado lang masaya sila pagbalik nila sa kanilang dalawang anak na naghihintay. (Elech Dawa)