Patay ang isang barangay kagawad at asawa nito makaraang pagbabarilin ng mga kamag-anak dahil sa away sa lupa sa bayan ng Sante Fe, Romblon.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na si Kagawad Danilo Jungay at asawa nitong si Cristy, sa Brgy. Magsaysay ng nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon ng Santa Fe Police, bandang alas-6:30 ng umaga kahapon nang makita ng isang saksi na nakikipagtalo ang dalawang biktima sa lima nitong kamag-anak at matapos ang ilang minuto ay nakarinig na ng sunod-sunod na putok ng baril.
Naaresto ng pulisya ang apat na suspek kabilang ang pamangking si Lester Candilario, 18-anyos; Raigor, Nelson at Ramil Jungay, pawang mga kamag-anak ng biktima habang hinahanap pa ang isa nitong kasama na nakatakas matapos ang krimen.
Ayon sa mga suspek, away sa lupa ang dahilan ng kanilang pagtatalo. Nahaharap na ngayon ang mga nadakip sa kasong murder.