Buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran sa sinapit nang pinatay na 29-anyos na Pinay domestic helper na si Joanna Demafelis makaraang sintesyahan ng bitay ng Kuwaiti court ang amo nitong lalaki na isang Lebenese at asawang Syrian kahapon.
Sa naging hatol ng Kuwaiti court, ‘death by hanging’ o parusang bitay ‘in absentia’ ang ibinabang desisyon laban sa mag-asawang amo ni Demafelis, na nakitang nakasilid sa freezer sa loob ng inabandonang apartment na tinirhan ng mag-asawa sa Kuwait.
Ayon sa ulat, pormal nang inilipat ng Syrian authorities ang suspek na lalaki na si Nader Essam Assaf, 40-anyos sa Lebanese authorities habang ang asawa nitong babae ay nanatili sa kustodya ng mga awtoridad ng Damascus.
Gayunman, maaari pa umanong iapela ang nasabing desisyon sa oras na bumalik sa Kuwait ang mag-asawa.
Magugunitang nagkaroon ng matinding krisis ang diplomatic relation ng Pilipinas at Kuwait bunsod ng insidente na siyang ugat para iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ban ng mga Filipina domestic helper sa Kuwait.
Nadakip ang mag-asawang suspek noong Pebrero sa Damascus, kabisera ng Syria makaraan ang inilunsad na malawakang manhunt ng International Police.
Tinatayang nasa 252,000 Filipino ang nagtatrabaho sa Kuwait.
Ang bangkay ni Demafelis na may palatandaang minaltrato bago pinatay ay nakitang isiniksik sa loob ng isang freezer sa bahay ng dating amo nito sa Kuwait. Ipinapalagay na may isang taon na itong nakasilid sa freezer dahil isang taon na rin abandonado ang apartment.
Magugunita na nangako ang Kuwaiti government na gagawin nila ang lahat para mahabol at mapanagot ang mga pumatay kay Joanna. Nagpaabot ng pagkagalit ang Kuwaiti government sa insidente at nais din nilang makamit ang hustisya para sa Pinay domestic helper.
Dumating sa Pilipinas ang mga labi nito noong Pebrero 16 kung saan ay inilibing sa probinsya nila sa Sara, Iloilo noong Marso 3, 2018.