Bumulaga kahapon sa isang bakanteng lote ang bangkay ng isang mag-asawa na pawang nakasuot g underwear na kapwa may tama ng bala sa katawan, sa Baseco Compound, Port Area, Manila.

Umalingasaw ang bangkay ng mga biktima matapos na mahukay kung saan nakilala ang lalaki na si Noelito Purification y Cahilig ,42-anyos na may alyas na `Bordado’ at may tattoo na `Elsa ‘ sa kaliwang balikat, habang sa kanang balikat naman ay `Dragon’ na tattoo at nakasuot lamang ng underwear.

Nakilala sa alyas `Gelyn’ ang asawa nito na tanging bra lamang at shortpants ang suot nang matagpuan dakong alas 10:50 ng gabi sa lugar.

Pinagbabaril muna bago ibinaon sa isang bakanteng lote ang mag-asawa na natagpuan kamakalawa ng gabi matapos na magsumbong sa Manila Police District(MPD) ang isang nakasaksi sa pangyayari sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Iniimbestigahan naman ang isang Rolly Colo y Panganiban, 31, taga- Blk. 15 – A Baseco Compound matapos na damputin alas- 12:10 ng madaling araw sa kanyang bahay na inginuso ng isang testigo na naglibing umano sa mag-asawa.

Sa imbestigasyon ni PSMS Charles John Duran ng Manila Police District- homicide Section, itinanggi umano ni Colo na siya ang pumatay sa mag-asawa at sinabi nito na inutusan lamang siya ng isang `Alyas Iloy’ habang may nakatutok sa kanyang baril at sinabihan siyang takpan at ibaon ang mag- asawa , kasama ang dalawa pang kasamahan.

Nang suriin ang bangkay ay nalaman na may mga tama ito ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inaalam naman ng pulisya ang motibo ng pagpaslang sa mga biktima at kung may kinalaman sa droga ang insidente .(Juliet de Loza-Cudia)