Sinaksak hanggang sa mapatay ang mag-asawa sa Alfonso, Cavite ng sarili umano nilang anak na sinasabing may sakit sa pag-iisip.

Kasong 2 Counts of Parricide ang isinampa laban kay Florito Credo, 35, binata, sa pagpatay sa magulang nitong sina Rafaeleto Credo, 66, magsasaka at si Flora, 65, pawang residente ng Sitio Santonis, Brgy. Taywanak, Ilaya, Alfonso, Cavite.

Sa ulat ni PMSgt. Dante Baje ng Alfonso Municipal Police Station, bago ang pagkakadiskubre sa bangkay ng mag-asawa, pinuntahan umano ng suspek ang kanyang mga kapitbahay at sinabing pinatay niya ang kanyang mga magulang gamit ang kutsilyo may dalawang araw na ang nakakaraan.

Dahil dito, lalong umigting ang hinala ng mga magkakapitbahay na may nangyari sa bahay ng mga matatanda bukod pa sa masangsang na amoy na nanggagaling sa dito. Kaya ipinaalam sa kanilang barangay chairman na si Leonardo Diroy na siyang nag-report sa pulisya.

Dakong alas-dos kamakalawa ng hapon nang puntahan ng pulisya ang bahay ng mag-asawa at nadatnan ang biktima na wala nang buhay, nangangamoy na at tadtad ng sakasak at nawawala rin ang nag-iisa nilang anak.

Narekober sa crime scene ang isang kitchen knife na may 12 pulgada ang haba na hinihinalang ginamit sa pagpatay.

Naaresto ang suspek matapos ang ginawang manhunt operation.

Ayon kay Baje, bago naganap ang pagpatay ay pinipilit umano ng magulang ng suspek na painumin ito ng kanyang maintenance na gamot subalit tumanggi ang suspek na kanyang ikinagalit.

Nabatid na dati nang pasyente sa Trece Martires City Mental Hospital ang suspek. (Gene Adsuara)