Arestado ang isang magkaibigan na hinihinalang suspek sa droga at nakumpiskahan ng tatlong plastic sachet ng shabu sa buy-bust operation ng Taguig City Police sa Barangay New Lower Bicutan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police ang naarestong sina Erwin Lorica, 29, vendor at John Paul Placido, 34, construction worker at kapwa taga-Jumar St., Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.

Alas-otso ng gabi nang maaresto ang mga suspek matapos magpanggap na pouser buyer ang isang operatiba na bumili ng P300 libong halaga ng droga sa dalawang suspek.

Nang aktong iabot ng nasabing pulis ang naturang droga, dito na dinakma at inaresto ng nakaabang pang mga pulis ang dalawa.

Maliban sa P300,000 marked money, kasama rin sa mga nasabat ang tatlong sachet ng umano’y shabu na nagkakahalagang P14K. ­(Armida Rico)