Hindi na natapos pinturahan ng magkaibigang partner-in-crime ang isang motorsiklo na kanilang tinangay nang naabutan ito ng mga Barangay Tanod na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto sa Dasmariñas City, Cavite.

Kasong motornapping ang isinampang kaso laban kina Cyron Dave Magno, ng Blk. 5, Lot 4 Brgy. San Miguel 2, Dasmariñas City, Cavite at Arvin Alumno Cayetano, 21, ng Blk. 1 Lot 4 Brgy. San Miguel 2, Dasmariñas City, Cavite dahil sa reklamo ni Eryl Cabayanan, 41 ng Blk-4 Lot-15, Molino Homes 2, Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City, Cavite.

Sa reklamo ni Cabayanan kay PO3 Rolando Paulo Figueroa, ng Dasmariñas City Police Station, ala-sais kahapon ng umaga nang madiskubre nito na nawawala na ang kanyang Motorstar Zest X100 na motorsiklo (DA 40277) matapos nitong iparada malapit sa kanilang bahay.

Agad namang nagsumbong ang biktima sa kanilang barangay at sa follow-up operation nina Bry. Tanod Adrian Concepcion at Enrico Francisco, ng Brgy Salitran 3, Dasmariñas City, Cavite ay naaktuhan nila ang mga suspek habang pinipinturahan ang tinangay na motorsiklo ng biktima.