Mas madaling makakabisa ng nagmamaneho ng dyip o kaya 4-wheeler delivery vans ang van na gaya ng Hi-Ace o Nissan NV350 kumpara sa mga AUV, SUV o mga sedan manggagaling.

Ang dahilan po nito ay dahil normal nang mahahaba ang mga dyip dito sa atin (lalo yung mga biyaheng Marikina, Montalban, Antipolo at Pasay-Taft Divisoria) kaya kahit nasa unahan pa ng driver ang mga gulong, sisiw na lang sa kanila ang pagmamaneho ng van.

Ang nagmamaneho naman ng delivery vans ay hindi rin mahihirapan sa pag-adjust kapag lumipat sa passenger van dahil from flat nose to another flat nose lang ang gagawin nila, maliban lamang kung ang lilipatan ay automatic transmission dahil siguradong maninibago sila ugali nito.

Kung mapapansin niyo, kadalasan ay nasa gilid ang tama gaya ng gasgas o yupi ng mga passenger van at ang nakikita kong dahilan nito ay walang iba kundi ang pagiging bagito sa ganitong uri ng sasakyan ng nagmamaneho.

Kung galing ka kasi sa SUV o AUV at lilipat ka sa van, ang unang unang magiging problema at dapat mong kabisaduhin ay ang pagliko sa mga kanto na makikitid.

Personal ko itong naranasan nang kunin ko ang aking brand new na Toyota GL Grandia sa casa at lakas loob na imaneho pauwi sa bahay kahit pa first time kong magdadrive ng van (bilang nagmamaneho ng Kia Carens, Toyota Innova, Fortuner at Toyota Altis at kung ano ano pang kaparehong sukat at laki ng mga ito)

Maayos ang aking pagmamaneho mula sa casa hanggang sa makapasok ako sa gate ng village pero sa kanto papunta na sa aking bahay ay doon na nagkaletse-letse, dahil masyadong napaaga ang pagpihit ko ng manibela sa kaliwa at presto buwena manong nag-gutter ang kaliwang gulong sa likuran.

Nang tumunog ang pagtama sa gutter, pinawisan na ako ng butil-butil, mabuti na lamang at hindi masyadong nahalata ang tama sa wheel cover, kumbaga nakuha pa sa retoke.

Pagdating ko sa garahe, itinapat ko sa Innova ang van at ako ay nagtaka kung bakit ako sumabit gayung magkasinghaba lang sila halos sa tingin ko, ang medyo naiba lamang ay mas malapad si GL.

Ilang sulyap pa ang aking ginawa at nakita ko na ang pinagkaiba ng dalawa na marahil ay hindi alam ng iba pang gustong magmaneho ng van pero sanay sa mga sasakyang binanggit ko.

Sa van, ang upuan ng drayber ay kapantay na ng gulong ng pang-unahang gulong kaya talagang sasablay ka pag ginamit mo sa pagliko sa mga makikitid na intersection ang nakasanayan sa mga sasakyang una kung nabanggit sa taas.

Kaya sa sumunod kong pagmamaneho ng van, tinandaan ko na na dapat akong umabante muna ng kulang-kulang isang metro bago ako pumihit sa kanan o kaliwa sa mga makikitid na daan at magmula noon, hindi na ako sumabit.

Sa kalye, halatado mong bagito ang drayber ng van na kasabayan mo sa trapik dahil kadalasang nakakalusot ang motor sa pagitan nito at nang sinusundang sasakyan.

Sa mga sanay kasi sa SUV malayo ang distansiya nila sa sinusundang sasakyan dahil me nguso ang gamit nila samantalang sa van, konti na lang ang layo ng noo mo sa unahan.

So ‘yan po nagshare lang ako sa inyo ng experience ko sa van.

Ngayon, mas enjoy na akong imaneho ito sa mga patayang road trip kumpara sa ibang sasakyang nabanggit ko.

‘Nga pala, ipopost ko rin ito sa aking FB account @Carlito Evangelista.
Ayos ba?