Nadakip ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Marilao police ang isang big-time drug pusher at kinakasama nito makaraang kumagat sa inilatag na buy-bust operation at makumpiskahan ng 8 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na hinango sa Baguio City at nagkakahalaga ng halos isang milyong piso sa Estrella Homes, Barangay Sta. Rosa 2, Marilao, Bulacan kamakalawa.

Sa report kay Police Col. Emma Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), nakilala ang naarestong si Ros Adrian Abandon, 27, kabilang sa drug watchlist ng Marilao Municipal Police Station at kinakasama nitong si Nika Maureen Dejon, 23, kapwa nakatira sa Block 3, Lot 4, Phase 1, Estrella Homes, Brgy. Sta. Rosa 2, Marilao.

Alas-7:35 kamakalawa ng gabi nang magkasa ng buy-bust ang DEU-Marilao sa over-all supervision ni Police Lt. Col. Amado Mendoza Jr., Marilao police chief, sa tinitirhang apartment ng mag-live in partner sa Estrella Homes sakop ng Brgy. Sta. Rosa 2, Marilao kung saan nagbenta sila ng isang zip lock tranparent plastic na may lamang pinatuyong dahon ng damo with fruiting tops sa undercover agent kaya kaagad dinakip ang dalawa.

Narekober sa kanila ang 9 zip lock transparent plastic na may iba’t ibang klase ng iligal na droga. (Jun Borlongan)