Mag-focus at gumastos vs trapik

Hindi lang sa Metro Manila ramdam ang pamemerwisyo ng matinding traffic, kaya dapat itong pagtutuunan ng sobrang atensyon at buhusan ng pondo kung kinakailangan ang lahat ng kailangang pag-aaral at automation nang sa gayon ay malutas ang kunsumisyon na ito.

Ayon kay Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero, bago igawad ang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para maresolba ang hebigat na trapik dapat lamang siguruhing plantsado ito upang hindi na maulit ang mga dating pagkakamali.

Talagang krisis na aniya ang problema sa trapiko at hindi maitatatwa ng bawat isa ang katotohanan na ito.

“Talagang hindi na maikakaila ‘yan, hindi lang sa Maynila pati sa Cebu, sa Davao, sa Bacolod saan mang mauunlad na lungsod. Pati nga sa Sorsogon na hindi naman gaano ang kaunlaran, so, marahil ang kailangan talaga tutukan na ng national government dahil hindi na kaya ng local government,” sabi ni Escudero.