Mag-ina sinalpok ng jeep, sanggol nasawi

Patay ang isang buwang sanggol habang malubha ang ina nito nang salpukin sila ng pampasaherong jeep sa Navotas City Linggo nang umaga.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Navotas City Hospital ang sanggol na kinilalang si Kaehll­ Ejija Mariano sanhi ng mga pinsala sa ulo at katawan nito.

Nasa kriktikal na kalagayan naman ang kanyang ina na si Angelica Ejija, 22-anyos, residente ng Pescador St., Brgy. Bangkulasi, Navotas.

Base sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-6:40 nang umaga sa Road-10, Pescador, Brgy. Bangkulasi.

Karga ni Ejija ang anak at naglalakad sa Road 10 pauwi sa kanilang bahay nang salpukin ng humaharurot na jeep na papuntang C-4.

Tumilapon ang mag-ina ng ilang metro sa lakas ng pagkabangga at bumagsak sa kongkretong kalsada.

Mabilis naman silang sinaklolohan ng mga nakakita sa insidente at isinugod sa nasabing ospital.

Kusa namang sumuko sa mga pulis ang jeepney driver na si Reymond Villanueva, 45-anyos, ng Inocencio St., Brgy. 93, Capulong, Tondo Maynila. (Orlan Linde)