May katotohanan pala ang kuwentong may problema na naman sa pagitan ng mag-inang artista. Sanay na ang marami sa kanilang hindi pagkakaunawaan, masyado raw kasing palahanap ang ina, kaya hindi malaman ng anak kung ano ang kanyang gagawin at kung saan siya pupunta.
Hindi na alam ng anak kung ano ang gagawin niya para lang hindi magalit ang kanyang mommy, pero parang kulang na kulang pa rin ang kanyang mga ginagawa, tuliro na ang anak sa pag-iisip.
Kuwento ng isang source, “One time, gustong sorpresahin ni daughter ang mommy niya. Dahil kumikita na siya, bumili siya ng isang condo unit, aayusin muna niya ‘yun bago sabihin sa mommy niya.
“Mukhang mali ang naisip ng anak, nalaman ng mommy niya mula sa ibang tao ang pagbili niya ng condo unit, galit na galit sa kanya! Bakit daw siya pa ang last to know, ano raw ba siya sa buhay ng anak niya, tau-tauhan lang?
“Nagpaliwanag si daughter na aayusin muna sana niya ang unit at sosorpresahin niya na lang ang mommy niya, pero hindi nakinig ang mommy niya sa kanyang paliwanag!
“Tumatawag siya, pero hindi sinasagot ng mom niya ang mga calls niya. Nagte-text siya para mangumusta, pero walang reply ang mommy niya,” napapailing na kuwento ng aming impormante.
Napaplastikan tuloy ang marami kapag naglilitanya ang ina kung gaano nito kamahal ang kanyang anak, ibang-iba raw kasi ang mga sinasabi ng aktres kesa sa kanyang mga ginagawa, meron daw bang inang bumibilang nang maraming buwan ang paninikis sa kanyang anak?
“Kita n’yo, mas gusto na lang ni daughter na mamuhay sa ibang bansa. Du’n na lang siya, malayo man siya sa family niya, e, may peace of mind naman siya,” konklusyon ng aming source.’
Loyalista ni Alden naplastikan kay Maine
Buhay na buhay na naman ang giyera sa pagitan nina Maine Mendoza at ng mga loyalista ni Alden Richards. Hindi nagustuhan ng mga tagasuporta ng Pambansang Bae ang sinabi ni Maine na suportahan daw ng kanilang mga panatiko si Alden kahit ibang personalidad ang katambal.
Plastik! ‘Yun ang nagkakaisang sigaw ng mga tapat na tagahanga ni Alden, kailan pa, hindi ba’t may mga pautang na salita nu’n si Maine kontra sa kanyang ka-loveteam?
Matindi ang memorya ng mga loyalista ni Alden, naalala ng mga ito ang matinding pamba-bash nu’n kay Alden na ni-like pa ni Maine, ‘yun daw ba ang magsasabi ngayon na suportahan ang kanilang idolo?
Sa totoo lang ay marami naman talagang ginagawa si Maine na nakapananakit sa mga tagasuporta ng Pambansang Bae, parang sinasadya ‘yun ng babae, na sinesegunahan naman ng kanyang mga tagahanga.
Ang maganda kay Alden ay labas-pasok lang sa kanyang magkabilang tenga ang lahat, basta tuluy-tuloy lang ang kanyang pagtatrabaho, wala siyang panahong ibinibigay sa mga negatibong bagay.
At ngayong mukhang malaki ang posibilidad ng pagtatambal nila ni Jasmine Curtis Smith na pumirma na ng kontrata sa GMA-7 ay mas lalawak pa ang digmaan ng mga salitaan.
Ngayon pa lang ay may mga tumatawag nang panatiko ni Maine ng starlet kay Jasmine. Bakit daw si Jasmine, bakit hindi si Maine, komento pa ng mga nananatiling tapat sa Dubsmash Queen.
Huwag maliitin si Jasmine Curtis, may napatunayan na sa pag-arte ang kapatid ni Anne, hindi ito papipirmahin nang dalawang-taong kontrata ng GMA-7 kung hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa network.
At bagay na bagay sila ni Alden Richards.