Mino-monitor na rin ng Department of Health (DOH) ang nanay at 12 katao pa na lumapit sa 5-anyos na batang lalaki na galing Wuhan, China na sinasabing positive sa bagong strain ng coronavirus na ginagamot ngayon sa isang ospital sa Cebu City.
Ayon kay Ferchito Avelino, officer-in-charge ng DOH epidemiology bureau, dumating ang bata kasama ang ina nito noong Enero 12 upang mag-aral ng English.
Nakitaan ang nasabing bata ng mga sensyales ng respiratory illness gaya ng lagnat, ubo, at makating lalamunan, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III sa press briefing sa Maynila.
Nasa ‘stable and afebrile’ na kondisyon umano ang nasabing bata.
Negatibo naman umano ang bata sa Middle East Respiratory Syndrome at Severe Acute Respiratory Syndrome na kapwa sanhi ng coronaviruses.
“The samples tested positive for non specific pancoronavirus assay; thus the specimen was sent to Australia to identify the specific coronavirus strain,” sabi ni Duque.
Hihintayin ang resulta ng pagsusuri sa loob ng 2 araw.
Naka-isolate na umano ang mag-ina at 12 pang katao na nakasalamuha ng mga ito sa Cebu. (Juliet de Loza-Cudia)