Nasawi ang mag-inang senior citizen habang kritikal ang isa pa nilang kapamilyang matanda nang masagasaan ng rumaragasang SUV sa Taguig City.

Dead on-the-spot ang mag-inang Rosalinda Visaya, 85, nakatira sa GHQ Village, Taguig City at anak na si Lolita Austria, 66, ng Holy Spirit, Quezon City sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakaratay naman sa AFP Philippine General Hospital ang isa pang anak na si Erlinda Tacsay, 65, na nasugatan din sa aksidente. Habang agad na nadakip ang driver ng SUV na si Meliton Deloso, 50 tubong Agusan Del Sur, company driver at taga-Phase 4 Innovation Village, Brgy. Pooc, Santa Rosa, Laguna
Sa report ni PCpl. Celso Rodriguez, hepe ng Taguig City Police, alas-1:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa Ba­yani road tapat ng AFPMBAI Brgy. Western Bicutan, Taguig City.

Sa kuha ng close circuit television (CCTV) kitang-kita na nakahinto ang may limang sasakyan habang nagbababa naman ng sakay ang iba.

Huminto ang isang taxi na pinara ng mga biktima. Nang pasakay na ang tatlo, dito na sila inararo ng Toyota Fortuner na may plakang ASA-7121 na minamaneho ni Deloso.

Sa bilis ng Fortuner, pumailaim ang mga biktima kung saan namatay agad ang mag-ina.

Sa lakas ng impact ay nabangga din ang limang sasakyan na nakahinto sa lugar.

Sa pahayag ni Deloso halos 3 dekada na raw itong driver pero aminado siya na imbes na preno, accelerator ang kaniyang naapakan.

“Akala ko preno nga, diniinan ko lalo, lalong umarangkada yun pala gas. Sana mapatawad nila ako, hindi ko naman sinasadya yung nangyari,” ani Deloso. (Armida Rico)