Mag-ingat sa mga ‘aswang’

Kaye Dacer

Pinayuhan ng nagbabalik na si Valenzuel­a City Congressman Atty. Magi Gunigundo ang mga botante na mag-ingat sa mga nag­lipanang ‘aswang’ ngayong panahon ng eleksyon.

Ang tinutukoy na ‘aswang’ ni Gunigundo ay hindi iyong mga kumakain ng tao na napakapangit ng itsura gaya ng napapanood sa telebisyon. Sila iyong mga alipores ng mga kandidatong namimili ng boto, lalo na sa mga depressed area.

Liligid ang mga ito sa mga lugar na subas­tahan at aalukin ang mga botante na iboto ang kanilang kandidato kapalit ang P500 at kaunting grocery.

Kung hindi naman, ang mga supporter ng kalaban nilang kandidato ang aalukin ng nasabing halaga para lang huwag ng bumoto pa.

Payo ni Magi sa ganitong istilo kunan ng video o larawan ang mga ‘aswang’ na bababa sa lugar ng mga botante.

Sang-ayon tayo sa payo ng nagbabalik na kongresista ng second district ng Valenzuela dahil malaki ang takot ng mga ‘aswang’ na ito dahil maaari silang makulong sa oras na makunan ang mga ito ng ebidensiya sa salang vote buying.
Kaya gising-gising po tayong lahat, magbantay tayo para hindi maka-eksena ang mga ‘aswang’ ngayong eleksyon.

Sabagay kung matino ka namang politiko o kandidato, bakit kailangan mong mang-aswang.

Lumaban ng patas para may maipagmamalaki ka sa iyong nasasakupan.

Katulad ni da­ting Cong. Magi alam kong wala sa hinagap niya ang magpakalat ng ‘aswang’ dahil sa dami ng magagandang programang kanyang nagawa sa tatlong termino niya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ilan sa mga programang nami-miss ng kanyang mga ka-distrito ay ang scho­larship program, guarante­e letter, financial assistanc­e at burial assistance.

Hindi lang `yan dahil bet din daw ni Magi sa kanyang pagbabalik sa 18th Congress na maibalik ang graduation cash gift na P1,500 sa mga senior high school na magtatapos mula 2020 hangang 2022.

Para sa senior citizen, aamyedahan naman niya ang “Centennial Awards” kung saan kapag 80 ang edad ay mayroon ng makukuhang P25,000 at karagdagang P­25,00­­0 pagtuntong ng 90-anyos, at P125,000 naman ‘pag umedad ng 100 ang isang senior.

Kaya kesa ipagpalit sa halagang P1,000-P1,500 at grocery ang inyong boto, mga politikong handang umalalay sa kinabukasan ng mga kabataan at matatanda na lamang ang ating tangkilikin.

Dito ay sigurado pa kayong may naghihintay ng magandang bukas sa ating lahat!