Mag-ingat sa nuclear deal sa Russia – Gatchalian

Dapat umanong mag-ingat ang pamahalaan sa pagpasok sa kasunduan sa Russia hinggil sa pagtatayo ng nuclear power plant sa bansa.

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian nitong Lunes dahil wala pa naman umanong batas ang bansa para sa pag-promote ng nuclear power.

“Dapat mag-ingat tayo. We should take extra precautionary measures when entering into a nuclear power (deal) dahil unang-una kulang tayo sa mga batas na magpo-promote ng nuclear power dito sa ating bansa. Kailangan ng maraming batas, for example, nuclear safety,” sabi ni Gatchalian.

“Kailangan din ng batas paano i-transfer nuclear waste at saan itatago nuclear wastes. So we have to be very cautious moving forward kasi kulang pa tayo sa mga batas at kulang tayo sa framework,” dagdag pa nito.

Kailangan din tiyakin ng pamahalaan na may kakayahan ang bansa sakaling magkaroon ng aberya sa operasyon ng nuclear power plant sa tulad ng nangyaring trahedya sa Fukushima, Japan noong 2011 at Chernobyl sa Russia noong 1986.

“Ang nuclear power din mataas ang risk. Kelangan siguraduhin din may kakayahan tayo,” pahayag ni Gatchalian.

“Remember nangyari sa Fukushima, nag-evacuate sila close to 600,000 na katao dun. Ang tanong meron ba tayong capability in an event na merong mangyari… and ‘yung Chernobyl experience,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Gatchalian, mas mainam na pag-aralan munang mabuti kung handa na ba ang Pilipinas sa pagkakaron ng isang nuclear power plant.

“In my opinion, we can study nuclear power kung kaya ng ating bansa, ‘yung technology din for nuclear power maging mas mura. Magiging mas advance, puwede nating pag-aralan,” anang senador.

“But for now ang importante meron tayong mga safeguard at batas na magre-regulate nitong nuclear power dahil kulang pa talaga. At it will take a few years na ma-produce ito,” sambit pa nito. (Dindo Matining)