Dear Kuya Rom,
Ako ay 22 years old, isang security guard. Siya ay 20, isang Indonesian, nakatira sa Jakarta, na nasa direct selling. Maganda siya at attracted ako sa kanya.
Nakilala ko siya sa Facebook. Naging friends kami. Isang taon na ang communication namin.
Araw-araw na may chat kami. Parehas kaming mahina sa English, pero nagkakaintindihan.
Nakukuwento niya sa akin na gusto niyang hiwalayan ang kanyang asawa. Kasi ginagawa siyang alila at ang trato sa kanya ay parang isang bagay na ginagamit lang.
Siya ay sinasaktan at ginagahasa ng asawa niya. Sabi niya ganun talaga ang mga lalaki sa kanila, mahilig sa forced sex. Napilitan lang siyang mag-asawa. Kasi sa kultura nila, bata pa ang babae, inaasawa na.
Ang sabi ko sa kanya, iba ang kultura sa Pinas, nililigawan ang babae, minamahal at bihira ang lalaking nanakit ng asawa.
Sabi niya kung minsan naiisip na niyang magpakamatay.
Hindi raw siya umaasenso sa paghahanapbuhay dahil pinipigilan siya ng asawa niya. Nahihirapan siya. Hindi siya maligaya. Parang gusto niyang tumakas. Tulungan ko raw siya. Magkita raw kami.
Naaawa ako sa kanya. Pero sabi ng ate ko mag-ingat ako sa scam, paniniwalaan at tutulungan ko ba ang isang taong sa Internet ko lang nakilala? — Jinno
Dear Jinno,
Kung pag-aaralan mo ang mga kaugalian nila, totoo ang kanyang sinasabi. Ayon sa kanilang kultura, talagang mga bata pa ang babae ay inaasawa na mga lalaki.
Ang panggagahasa sa asawang babae ng asawang lalaki at ang tratong alila lamang ng lalaki ang babae ay tanggap sa kanilang pinaniniwalaang pamumuhay. Sa ganitong sitwasyon, kapanipaniwala na siya ay nahihirapan.
Sa kabilang banda, ang punto ng ate mo. Paano kung hindi totoo na gusto niyang tumakas, ngunit napaniwala ka niya para tulungan mo siya? Naiisip mo ba na maaaring ang susunod niyang hakbang ay hingan ka ng pera?
Posibleng mangyari, hindi ba? Paano kung ito ay paraan para magkapera siya at ang ginagawa niya ay isang “scam” o pangloloko sa kapwa para siya kumita? Hindi ba dapat na mag-ingat ka?
Ito ay isang problema sa long distance communication – ang paghahanap ng katotohanan. Maaaring totoo ang mga kuwento sa iyo ng kaibigan mo sa Internet at may dahilan para gusto mo siyang tulungan. Subalit maaari ring hindi totoo ang mga sinasabi niya sa iyo, napapaniwala ka niya, kaya’t naaawa ka sa kanya, at posibleng magkaroon ka ng suliranin dahil sa kanya.
Ang isa pang problema, kayong dalawa ay may magkaibang paniniwala at kulturang ginagalawan. Totoong parehas kayong malayang tayuan ang sarili ninyong paniniwala, pero kapag dumating ang sitwasyong kayong dalawa ay may relasyon, magiging isyu ito sa inyo na maaaring sisira sa inyong buhay.
Kung pagkakaroon ng kaibigan ang nais mo, mabuting makipagkaibigan ka sa mga taong nasa paligid mo upang makilala mo sila ng lubos. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom