Mag-ingat sa sindikato ng lupa

Break a leg by Benjie Alejandro

Nais ni Senador Richard Gordon, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na parusahan ang lahat ng sangkot na nasa likod ng pamemeke ng titulo ng lupa. Pinalalagay din sa ‘hold departure order’ ang mga miyembro ng sindikato para hindi makalabas ng bansa.

Hindi makaka­kilos ang sindikato kung walang kasabwat na mga opisyal ng gobyerno, kaya hihilingin daw ni Sen. Gordon kay PDu30 na balasahin ang Land Registration Authority o LRA, bilang unang hakbang sa pagbaklas ng istrukturang tiwali­ sa loob ng ahensiya. Malalim na ang partisipasyon ng mga kri­minal, dahil sa basbas ng ilang tiwaling opis­yal ng LRA.

Sa dami ng imbestigasyon sa mga kontrobersyal na isyu na isinagawa ng Kongreso – partikular ng Senado, ang usapin ng pekeng titulo sa lupa ay nararapat lamang magkaroon ng katapusan.

Dahil sa sindikato ng pekeng titulo, ang daming OFW ang nabiktima. Mara­ming guro at iba pang propesyunal ang gumuho ang pangarap dahil nabiktima ng mga walang kaluluwa.

***

Ayon kay Gordon, sa pagdinig ng kanyang komite nabunyag ang talamak na ope­rasyon ng sindikato sa pekeng titulo ng lupa sa Mindanao, partikular sa General Santos.

Malupit ang ope­rasyon ng grupo dahil may kasabwat na tauhan ng LRA, DPWH, Bureau Of Lands, DENR, Local Registry Of Deeds, Lokal na Pamahalaan at maging ang mga Local Court.

Natulala si Gordon kung paano naibenta ang lupaing pag-aari ng gobyerno. Nagtaka ang senador paano napatituluhan ng sindikato ang lupang kinatitirikan ng isang kompanya sa ilalim ng Integrated Foreign Management Agreement (IFMA) ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.

Namadyik ang hektaryang lupain ng gobyerno na matatagpuan malapit sa International Airport. Nai­alok sa mga negos­yante sa Metro Manila­ walang kamalay-malay, peke ang mga dokumento.

Dapat lang palawakin ang pagdinig. Laga­nap sa bansa ang mga pekeng titulo ng lupa. Ang mga Pinoy sa ibang bansa ang kalimitang biktima.
Nagugulat na lamang nang madiskub­re na marami pala silang nagmamay-ari sa kapiranggot na lupa.

Hindi mangyayari ito kung walang sabwatan ang sindikato at tiwaling opisyal­ sa mga ahensiya ng gobyerno sa pagpapatitulo ng lupa.

Dapat lang ituloy ni Senador Gordon ang pagdinig para mahubaran ng maskara ang mga nagtatago sa ngalan ng serbisyo publiko.

Ito rin ang pagkakataon para malinis ang pangalan ng LRA. Mas marami pa rin ang matitino sa ahensiya. Natatabunan lang ang kanilang mga ‘accomplishment’ dahil sa kasakiman ng ilan nilang kasamahan.