Dear Mam Kaye,

Ibabahagi ko lang po sa inyo ang isang karanasan ko sa aking na­ging kasambahay. Please don’t mention na lang po my name kung maaari. May nakuha po akong kasambahay mula sa kaibigan. All around po ang naging trabaho sa amin. Tatlo po kami sa bahay. Kaming mag-asawa at kapatid na babae ng aking asawa na nasa kolehiyo na. Kaya masasabi ko po na ‘di siya mahihirapan kasi po pati naman kami lalo na ako ay tumutulong din sa mga gawaing bahay.

Kaming mag-asawa ay parehong nasa call center tuwing gabi at tanging kapatid ng mister ko ang naiiwan kasama niya sa gabi.

Nakawalong buwan din siya sa amin. Noong ika-anim na buwan niya doon lang siya nag-day off pero ilang buwan na din na maraming bagay ang nawawala sa amin.

“Mam para po walang duda ay check na din po ang aking gamit”. Boluntaryo siyang nagpapa-check ng gamit tuwing may nawawala kaya ‘di ko naisip na siya’y pagduduhan. A­yoko namang magsalita sa a­king asawa kaya lagi ko na lang sinasabi na baka na-misplaced ko lang.

Noong araw na nag-day off ang aming kasambahay ay nagpa-check siya ng gamit at ok naman. Kaya tiwala na ako sa kanya. Hu­ling nawala sa akin ay cash ko na nakatago sa aparador naming mag-asawa na ang halaga ay 35 thousand. Pati ang aking asawa ay nag-umpisa nang makialam.

Nagsalita ang aming kasambahay na dapat siguro daw magpa-check na lahat ng gamit na parang pinapahiwatig niya na ‘di lang siya ang dapat magpa-check kundi pati ang kapatid ng aking mister. She’s trying to make me feel na baka kapatid ng mister ko ang kumuha kaya nagsalita ang aking mister na bakit pati gamit nila ay kailangang tingnan eh isang pamilya sila at ‘di sila nawawalan ng kahit na ano dati.

Nagsalita ang aking kasambahay na aalis na lamang daw siya kung sa tingin nila ay ‘di siya dapat pagkatiwalaan.

Kinausap ko ang a­king mister at sinabing paano mo pagdududahan ang isang tao na nagpapa-check naman ng kanyang gamit at nagpapakapa pa ng kanyang sarili noong siya ay nag-day off.

Makaraan ang ilang linggo ay nagpaalam na sa amin ang a­ming kasambahay at sinabing namatay daw ang kanyang ama sa probinsya kaya amin itong pinayagan. Nagpa-check siya ng mga gamit niya at sinabing kapaan siya.

In short alam namin na malinis siyang nakaalis sa aming bahay at nagpagawa pa siya ng quit claim sa amin dahil ganu’n daw siya sa dati niyang amo kasi mahirap na daw na baka may mawala sa kanyang pag-alis at siya ay makasuhan. Sa quit claim ay pumirma siya at hu­mingi pa ng kopya nito.

Makalipas ang isang linggo ay naisipan kong mag-leave muna sa aking trabaho para maglinis ng bahay at garahe. Doon ka nadiskubre ang modus ng aming kasambahay.

Sa aming garahe ay may mga paso ka­ming may mga lupa at halaman. Palibhasa ay busy kaming mag-asawa para i-check pa ang mga halamang ‘yun. Ang kasambahay namin ang nag-maintain. Nagdidilig at minsan ay nakita ko pang naglipat ng aming halaman sa isang malaking paso na nabanggit ko pa na nakakatuwa naman siya at nabubuhay niya ‘yung mga halaman kahit napabayaan na namin.

Nadiskubre ko na doon pala nya tinatago ang mga ninanakaw niya. Nakita ko na me­ron siyang isang supot ng pera pa na nakalimutan niyang dalhin na nakalagay sa isang paso na may hala­gang P2,800. ‘Di ako makapaniwala sa a­king nadiskubre at ‘di maalis sa isip ko na isang propesyonal na magnanakaw ang a­king pinatuloy sa bahay.

Sana po Mam Kaye ay maibahagi niyo ang aking naging karanasan sa inyong column at magsilbing leksyon sa lahat.

Salamat po.
Mrs. G
Malabon