Kahit pa isasailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang Maynila, tuloy pa rin umano ang pagpapatupad ng liquor ban sa lungsod para mabigyan ang lahat ng pagkakataon na maghanda sa mas importanteng bagay, ayon kay Mayor Francisco ‘Isko Moreno’.
“Andyan lang naman ang alak at hindi naman ito ‘basic necessity’ na tipong hindi mabubuhay ang isang tao kung wala ito,” ayon kay Moreno.
Ayon pa sa alkalde, hindi kasama sa kanyang prayoridad ang pag-aalis ng liquor ban kapag pumasok na sa GCQ ang lungsod simula sa Lunes, Hunyo 1. Ang pangunahin inaalala ni Moreno sa ngayon ay kung paano tutugunan ang mga problemang magsusulputan sakaling unti-unti ng maglabasan at maggalawan ang mga residente ng lungsod kung saan mataas din ang posibilidad na maikalat ang COVID.
Sinabi ni Moreno na kailangang turuan ang publiko sa kahalagahan ng pera sa panahon ngayon at kung paano nila ilalatag ang kanilang mga prayoridad.
“Mas mahalagang gastusin ang konting pera sa mas importanteng bagay. COVID teaches us lessons bukod sa health issue, like preparing ourselves economically by means of saving whether in good times or challenging times like what we have now,” ani Moreno.
Gusto umano niyang maging masinop sa pera ang Manilenyo para mayroon silang maipon kapag dumating ang matinding pangangailangan.
Ayon kay Moreno, mas mahalagang aral na natutunan nating lahat base sa ating karanasan noong tayo ay nasa ECQ at kaya pala nating mabuhay ng walang bisyo at makapag-ipon para sa mas importanteng bagay, para sa kinabukasan.
Hinikayat ni Moreno ang mga residente na sundin ang prinsipyo ng tinatawag na ‘delayed gratification’ kung saan ay mag-iipon nang mag-iipon para sa panahon ng tag-ulan ay hayahay na ang buhay o may mapapakinabangan. (Juliet de Loza-Cudia)